Tinanong kaming tatlong P.A. ng aming magiging boss kung bakit gusto naming magtrabaho sa papasukan naming reality show...
Ang sagot ng isa dahil film graduate siya parang doon talaga niya gusto magtrabaho, yung isa naman ang sagot dahil sa "Passion"...ako...napaisip at ang tanging nasagot ko lang ay "gusto ko po talaga kasi sa production kasi sayang naman ang pinag-aralan ko". Napaka-safe na sagot para sa isang taong hindi niya talaga alam kung bakit gusto niya doon magtrabaho. Sa totoo lang hindi ko talaga alam hanggang ngayon ang sagot. Sa tuwing bumabyahe ako pauwi ng madaling araw, hinahanap ko sa tabi-tabi kung ano ang sagot sa tanong na iyon. Bakit nga ba gusto ko magtrabaho doon? Mapupuyat ako, mapapagod, mapapagalitan, iiyak.
Iba-iba na rin naman ang pinanggalingan kong trabaho. Nito ngang huli ay medyo pepetiks-petiks pa ako at kapag inatake ng katamaran hindi papasok (well, may pinag-ugatan ito at sa susunod ko na lang isusulat pag feel ko na). May sweldong ok naman, hindi pagod, malapit sa bahay ang trabaho, may social life...ano pa ba ang hahanapin ko?
Yun na nga, may hinahanap pa ako. Kaya umalis ako.
Alam ko naman kung ano itong pinasok ko ngayon...kahit hindi ko ma-explain siguro kung bakit ko pinili ito, ang mahalaga gusto ko ang pinili kong landas. Para kang in-love, na hindi ma explain kung bakit mahal mo ang isang tao, basta ang alam mo mahal mo siya. Hindi mo kailangan ng explanation kasi alam mo sa sarili mo na pagbubutihin at palalaguin mo kung ano ang mayroon dito.
Magulo ba? Tama daw bang i-compare sa pag-ibig...sana naintindihan mo...pero kung hindi ok lang magulo talaga ako.